Sinasabing mahirap pag-usapan ang relihiyon. Kung totoo ito, mahirap din kayang pag-aralan ang relihiyon? Maaaring masalimuot itong talakayin sapagkat pagbibigay kahulugan pa lamang dito ay lubha nang napakahirap. Mahirap sapagkat napakalawak ng usaping ito. Sinasabing upang matalakay nang lubos ang relihiyon, kailangang maging abstrak ang pagpapakahulugan dito.
Malinaw na makikita sa lahat ng relihiyon ang sistema ng ugnayang panlipunan, ang sistema ng paniniwala at sistema ng pananampalataya. Tatalakayin ko ang mga puntong ito sa pamamagitan ng pag-aaral sa isa sa samahang panrelihiyon sa lalawigan ng Quezon.
Isa sa pinakamadalas puntahan ng mga mananampalataya at mga nag-aaral sa relihiyon ang lalawigang ito dahil dito makikita ang bundok ng banahaw na ayon sa paniniwala ay isang banal na bundok. dito umano makikita o inilipat ang bagong Herusalem kung saan makikita ang maraming mga banal na lugar na tinatawag nilang "pwesto". (tatalakayin ko ito nang mas malalim mamaya).
Gamit ang pamamaraang Pakapakapa - pagmamasid, pagtatanung-tanong, pagsubok, pagdalaw, pakikilahok, pakikisangkot, susuriin ko ang sa tingin ko'y isa sa pinakamalaking samahang panrelihiyon sa bundok na ito - ang Suprema dela Ciudad Mistica de Dios, Inc.
ang sambahan, pagsamba, panampalataya
ang sambahan, pagsamba, panampalataya
Kapansin-pansin sa loob ng sambahan nila ang kaliwang mata sa pinakatuktok ng kanilang altar. Ayon kay nanay Isabel, ang kinikilalang suprema ng samahan, isinasagisag nito ang kababaihan dahil ang nagtatag umano ng kanilang samahan ay isang babaeng kinikilala nilang nagpatuloy ng gawain ni Kristo sa lupa - malinaw na nanduon pa rin ang pagkilala kay Kristo. Si Maria Bernalda Balitaan ang kinikilala nilang nagpatuloy ng gawain ni Kristo.
Makikita rin sa loob ng simbahan ang malaking pakpak ng anghel na nasa dalawang dulo ng altar. ito umano ang nakita ni Maria Bernalda nang makarating ito sa langit at makausap ang diyos (madalas nilang pagpalitin ang salitang diyos at bathala) kung kaya't gumawa sila ng replika nito sa lupa. sa gawing kaliwa ng pakpak mababasa ang mga katagang pag-ibig sa diyos, pananampalataya, gawa at pag-asa, at tiyaga. sa gawing kanan naman, nakasulat ang mga katagang kalinisan, katwiran, kaliwanagan, katotohanan, kababaan ng kalooban, at pagtitiis. mababasa rin ang mga salitang aral ni hesus sa altar.
Kapansin-pansin pa rin sa bandang kaliwa ng simbahan ang nakapintang 12 larawan ng mga bayaning pilipino noong panahon ng proganda at himagsikan kung saan nakasulat ang mga katagang labindalawang ilaw ni kristo.
Mayroon silang dalawang simbahan sa kanilang sariling komunidad at ang dalawang simbahang ito'y magkatulad na magkatulad pagdating sa kung ano ang mayroon sa loob.
Ginagawa nilang sumamba tuwing umaga at hapon upang magpasalamat at sa tuwing araw ng sabado ang kanilang dakilang araw ng pagsamba. Sa araw ring ito maririnig ang mensahe ng Suprema na batay sa mga sulat na ginawa ng nagtatag sa kanilang samahan.
Magkahiwalay ang lugar ng babae at lalaki sa loob ng simbahan - ang babae sa kaliwa at lalaki sa kanan. Mapapansing may dala ang lahat na pansapin sa tuhod dahil na rin sa haba at mdalas na nakaluhod na pananampalataya. Tanging ang Suprema ang nakaupo sa isang upuan at ang mangilan-ngilang bisitang hindi kasapi sa kanilang samahan. Sa pagpasok pa lang ng simbahan ay nakatala ang pangalan ng bawat magsisimba at binabasa ito sa tuwing matatapos ang pagsamba sa umaga. Hindi rin nila ipinapasok ang kahit anong sapin sa paa sa loob ng simbahan.
Maririnig na paawit ang kanilang misa at pagdarasal. (bagaman at tagalog ang salitang ginagamit nila, hindi pa rin ito naging madaling intindihin dahil na rin siguro sa himig at sa pagkakaiba-iba ng talasalitaan ng mga tagalog.) Kapansin-pansin ding kahimig ng pambansang awit ng Pilipinas ang isa nilang dasal nang malapit nang matapos ang pagsamba.
Sa gilid ng sambahan ay makita ang isang plaza kung saan dito sila gumagawa ng mga pag-aalay. Maaari silang mag-alay ng ulo ng baboy, prutas, manok at iba pa. Sa kanilang pag-aalay, patuloy silang nagdarasal hanggng sa maubos at maging abo na ang kanilang inialay. Ginagawa nila ito sa mga natatanging araw tulad ng kaarawan, kasal at iba pa.
Makikita naman sa gilid ng plaza ang isang bahay kung saan nila sinasanay ang mga susunod na magiging ministra. Kahit bata pa lang ay maaari nang pumasok dito. Ang mga batang ito ay maaari ring lumabas kapag kailangan nilang pumasok sa eskwelahan. Pinapayagan din nilang makapag-asawa ang kanilang mga ministra kahit na anu pa man ang relihiyon ng kanilang mapupusuan.
ang pamumuwesto
Ayon kay nanay Isabel, mahigit sa 200 ang mga pwesto o ang sagradong lugar sa bundok ng Banahaw. Bago magsimula ang pamumuwesto ay kailangang magdasal sa altar sa loob ng bahay, sa dalawang simbahan at ang paghingi ng basbas sa suprema sa pamamagitan ng pagmamano. Magdarasal ka ulit pagdating sa bawat pwesto.
Nagsisimula ito sa Sta Lucia kung saan ito ang sinasabing tarangkahan ng pamumwesto. Makikita rito ang dalawang talon - isang malaki kung saan ka muna maliligo at magbabanlaw sa mas maliit na talon. Naniniwala silang nakagagaling mga tubig na nanggagaling dito kaya't hinihiukayat nilang uminom ang lahat mula sa talon. makikita rin sa Sta Lucia ang pinaniniwalaan nilang pinto ng kaluluwa.
Isa pang pwestong napuntahan namin ay ang Kinabuhayan. Sa lugar na ito naman makikita ang isang batong nakalubog sa mababaw na ilog kung saan makikitang parang may dasto ng paa ng tao. Ito umano ang yapak ni kristo. makikita rin sa lugar na ito ang isa pang bato kung saan sinasabing dito itinali si Kristo sapagkat mayroong parang marka ng tali.
Makikita rin dito ang isang maliit na kweba, at ilan pang mga kinikilalang sagradong lugar - may roong gawa ng kalikasan at ang ilan ay likha ng tao.
Pinaniniwalaan nilang naging sagradong lugar ang mga ito dahil tinulungan umano ang mga ninuno nila ng isang liwanag upang makarating sa bawat lugar na iyon. Nagpapakita umano sa kanila ang isang liwanag na hindi umaabot sa lupa at kanila itong sinusundan. Pinaniniwalaan nilang sagrado ang bawat lugar na nararating nila kung saan nawawala ang liwanag.
ang pilipinas ayon kay suprema
Tinatawag na Lemuria ni Suprema ang bansang Pilipinas. Ito raw umano ang dating tawag dito. Ayon sa kanya, ang lugar na ito ay mahiwaga at mahihiwaga rin ang mga naninirahan dito. Isa raw itong malaking kalupaan na nang dahil sa mga nandarayuhang sinasalaula ang lugar ay nagpasabog umano ng isang bulkang tubig kung saan nahati-hati ang bansa sa tatlong malalaking kapuluan. Hindi naman umano nawala ang mga mahihiwagang nakatira rito bagkos ay nagtungo lamang sa ilalim nang tubig nang hindi maapektuhan ng mga dumadayo sa lugar.
Pinaniniwalaan din ni nanay Isabel na dapat maunlad na ang Pilipinas kung dito lamang sa bansa gagamitin nating mga Pilipino ang ating kaalaman. Karugtong nito ang paniniwala niyang talino ng mga Pilipino ang gamit ng ibang bansa sa kanilang pag-unlad.
ang pinagmulan ng kanilang samahan
Si Maria Bernalda Balitaan ang kinikilala nilang nagpatuloy ng gawa ni Kristo at siya rin ang kinikilalang nagsimula ng kanilang samahan. Pinaniniwalaan nilang halos magkatulad ang buhay na pinagdaaanan ni Kristo at ni Maria.
Ayon sa salaysay ni nanay Isabel, kinutya ng mga tao ang ina ni Maria sapagkat nagdalang-tao ito nang hindi kilala ang ama. Subalit nang magsilang ito noong agosto 12 nawala ang pagkutya sa kanya. Hindi umano sanggol ang kanyang isinilang bagkus ay isang bolang lamad. Ayon pa sa kanya, mayroong inutusang itapon ito subalit hindi niya nagawa sapagkat parang may pumipigil sa kanya kung kaya at iniwan na lamang niya ito sa gubat.
Makalipas ang tatlong araw ay napagkasunduan nilang kunin ulit ang bolang lamad at nang kanilang buksan ay isang malusog na sanggol ang laman na buhay na buhay. Sa ganung pangyayari pa lang ay nagpakita na kaagad ito ng kahiwagaan.
Nang umabot ng tatlong taong gulang umano ang bata ay kinakitaan na ito nang katalinuhang daig pa ang isang nag-aral. At sa buo niyang buhay ay dalawang beses umano siyang nakarating sa langit kung saan niya nakausap ang diyos. mula noon umano'y patuloy na siyang naglakbay kung saan-saan upang mangaral.
ang kanilang kumunidad
Isang mataas na tarangkahang stainless ang iyong daraanan papasok kanilang kumunidad. Makikita kaagad ang isang malaking bahay at sa gawing kaliwa ay ang isa nilang sambahan.
Sa bahay na ito nakatira ang Suprema at ang ilan pa sa kanilang mga kasapi. Dito rin nila tinantanggap ang kanilang mga bisita.
Ang buong gilid ng komunidad ay napaliligran ng mga kwartong halos 36 sq m ang luwang. Tirahan din ito ng kanilang mga kasapi lalo na ng mga mayroon nang pamilya. Maaari ring makitira rito kahit hindi nila kasapi basta magpaalam lamang. Nagmula sa iba't ibang bahagi ng Luzon mga nakatira rito.
Makikita sa labas ng kanilang bakod ang isang babuyan na pinagkukunan din nila ng kanilang ikinabubuhay. Mayroon din silang kainan at isang gasulinahan. Pinauupahan din nila ang isang pwestong katabi ng kainan sa isang lokal na gumagawa ng iba't ibang produkto mula sa virgin coconut oil. Marami umano silang mga kainan sa iba't ibang bahagi ng timog katagalugan.
Makikita ring mayroon silang sariling pagamutan na katabi ng government health center. Hiwalay ang lugar ng pagamutan ng babae at lalaki. Albularyo ang siyang pinaka nanggagamot sa kanila. (nang araw na paalis na kami sa lugar ay namatay sa ospital ang kanilang albularyo)
Ayon sa suprema, hindi nila piniproblema ang kanin sapagkat mayroon silang sariling sakahan.
ang suprema
Si nanay Isabel ang kinikilalang Suprema. Pinipili umano nang mga nakatataas sa kanilang samahan ang pagiging suprema at sa gulang na 22 ay naiatang na sa kanya ang katungkulang ito. Maaari raw namang mag-asawa ang isang suprema subalit pinili niyang hindi ito gawin.
Ang suprema ang hinihingan ng lahat ng payo ng lahat ng kasapi. Siya rin ang gumagawa ng mga mabibigat na desisyon sa samahan. Maging sa mga usaping ligal ay siya rin ang humaharap.
Naikwento niyang nang magkaroon ng usaping ligal ang kanilang samahan hinggil sa bahay nilang ipinatayo sa bundok ay siya ng humarap. Hindi umano tumutupad ang pamahalaan sa kanilang mga nilagdaang kasunduan.
ang pagsusuri
Batay sa mga nabatid mula sa pag-aaral, makikitang ang samahang panrelihiyong ito ay isang matibay at buong komunidad na humaharap sa mga hamon ng buhay. Matibay ang ugnayan ng bawat kasapi mula sa pananampalataya, paniniwala, pagsamba, at hanggang sa pang-ekonomya.
Sa kanilang madalas na pagdarasal, at paglalaan ng mahabang oras sa pagsamba, maaaring sabihing hindi na nila naiisiip ang ilan pang isyung panlipunang bumabalot sa lipunan dagdag pa rito ang kawalan nila ng radio at telibisyon.
Bagaman at may mga taong taga-labas na bumibisita o dumadalaw, hindi rin ito nakatutulong sapagkat karamihan sa mga ito’y nanduon lamang para magmasid at mag-aral.
Samantalang ang mga bata’y pinapayagang makapag-aral sa isang secular na paaralan, hindi pa rin ito magiging sapat upang mabatid nila ang mga isyung nakaaapekto sa lipunan.
Hinahayaan ding umuwi sa kanilang bahay o/at tahanan ang kanilang mga kasapi subalit ganuon pa rin, maaaring mamulkat sila sa mga nangyayari sa labas subalit kapag bumalik na muli sila sa loob ay nagiging passive muli sila dahil muli sa pagiging subsub nila sa gawaing panrelihiyon.
Dahil din sa madalas nilang pagsamba, at dahil na rin sa halos walang panlabas na kaisipang nakapapasok sa kanilang komunidad, nagging payak ang kanilang mga pangangailangan. Hindi sila nadiktahan ng mass media na kailanganin ang mga produktong hindi naman nila talaga kailangan. Nanatili ang kanilang payak na pangangailangan at mithiin sa buhay.
Malinaw rin ang ugnayan ng pulitika at pananampalataya sa kanilang samahan lalo na nung itinatatag pa ito. Kitang kita ito sa pagpinta nila ng larawan ng mga bayaning Pilipino noong panahon ng Himagsikan at Rebolusyon. Kitang kita rin ito sa isa sa kanilang awit pagsamba kung saan nakasakay ito sa himig ng pambansang awit ng PIlpinas. Maari ngang sabihing reaksyon lamang sa kalupitan ng mga Espanyol ang pagbuo ng kanilang samahan.
Makikita ring pilit nilang pinananatili ang imahe n g mga sinaunang mamamayan ng PIlipinas sa pamamagitan ng pagpapanatiling mahaba ng kanilang buhok at pagsusuot ng mga damit na mahaba at ang paggamit nila ng salitang Bathala sa halip na Diyos. Isa pa ring pagpapakita ito ng reaksyon sa kalinangang kanluranin na pilit isinaksak sa isp ng mga Pilipino.
Malinaw pa ring makikita ang pagnanasa nilang mabuo ang isang maayos na ugnayan ng bawat nilalang sa buong komunidad sa pamamagitan ng pagsasabuhay nila ng mga katagang nakasulat sa kanilang altar. Dala pa rin nito ang paniniwalang ang maayos na buhay sa lupa ay magdadala sa kanila sa kaginhawaan.
Kitang-kita rin ang paggalang at pagkilala nila kay nanay Isabel – ang kanilang Suprema. Maganda ang naging bunga nito sapagkat nagagawa niyang pag-isahin ang lahat ng kanilang kasapi.
Marami pang mga katulad na samahan ang Suprema dela Ciudad Mistica de Dios. Marami pa silang sinasabing samahang nagpapakita ng sinaunang pananampalatayang Pilipino sa lalawigan ng Quezon ngunit ang tanging makikita sa kanilang lahat ay ang pagsasama ng sinaunang pananampalataya at pagsamba at ng kristyanismong dala ng kanluran. Tanging bakas lamang ng sinauang pananampalataya ang makikita rito. Ganun pa man, iminumungkahi pa ring pag-aralan ang mga tulad nila na maaaring halawan ng mga kaalaman. Hindi lang ang kaalaman hinggil sa pananampalataya kundi hinggil sa buo nilang komunidad. Tulad ng patuloy nilang pagkalinga sa mga mahihirap, kung paano nila naipagpapatuloy ang kanilang samahan at ilan pang mga inaakalang hindi punto ng pag-aaral sa kanluraning pamantayan subalit siyang mga nangaganap sa lipunang Pilipino.
11 comments:
Ok...
Ano ba ang kongklusyon ng lahat ng minasid nyo doon? Ano rin recommendations nyo kung meron man?
Dinedescribe mo lang ba yung ginagawa nila? Wala ka ng critisism?
Go atheist! go!
kung binasa mo yung last part, nanduon ang analisis
hi sir.. naks.. galing ah.. taga 1lgmc ako sir... GO SIR GLENN..
hindi masyadong nabigyang- pansin si rizal bagaman at ito'y grupong rizalista.ano pong masasabi ninyo dito?
hindi po ito rizalista. maraming mga tulad nito ang buhay na buhay na samahang panrelihiyon. maaaring may pagkakatulad ang lahat ng mga ito sapagkat halos sabay-sabay sila halos nabuo at magkakatulad din halos ng dahilan - reaksyon sa pagiging dominante ng kanluraning pananampalataya.
nice sir glen !! :)
student nio po ako sa 1it02
sa sociology :)
ako po ay taga pampanga,ang asawa ko po ay kasapi sa mistica,at katunayan ay dun kami ikinasal noong feb. 27,1999.kahanga hanga ang kanilang samahan dahil ang pagkakaisa at pakikinig sa kanilang suprema ay walang katulad,hindi rin sila namimili ng mga bisita na gusto makita ang kanilang simbahan at lugar,ako po ay napamulat ng aking mga magulang sa pagka katoliko,nnpkalayo po ng pagkakaiba nila sa amin,ang buong akala ko ay magiging kaanib nila ako dahil sa aking asawa pero angsbi po ng aking byenan ay hindi ka kailangan umanib sa amin ang mahalaga ay mai kasal kayo sa mistika at mahalin ang aking anak...
Thanks sir Glenn for the idea.:)))
I do not even know how I ended up here, but I thought
this post was good. I don't know who you are but definitely you are
going to a famous blogger if you aren't already ;) Cheers!
Visit my web page :: web site, ,
My spouse and I absolutely love your blog and find
most of your post's to be exactly I'm looking for.
Would you offer guest writers to write content available for you?
I wouldn't mind composing a post or elaborating on most of
the subjects you write with regards to here. Again, awesome web site []!
Correction:Suprema dela Iglesia del Ciudad Mistica de Dios Inc.
Post a Comment