Salamat mayor, marami kang naiambag sa buhay namin! Salamat o dakilang manlilikha!
Halos taun-taon ako kung umuwi sa Puerto Galera. Bagaman at dito ako nag-aral, sa kalunsuran naman ako nakapagtrabaho. Sa tuwing may pagkakataon lang magbakasyon ako nakauuwi sa aking lupang sinilangan. Pababa pa lang ako ng bangka mula sa Batanggas ay kitang-kita na ang mga pagbabago sa dati kong playground. Mga pagbabagong sa unang tinging ay may kaakibat na pag-unlad at makatututulong sa mga mamamayan ng White Beach, Puerto Galera. Mga pagbabagong pinayagan ng lokal na pamahalaan. Sabi ko nga sa sarili, mga tip ito ni mayor.
Tip # 1: Magpapasok ng mga prominenteng negosyo mula sa Maynila
Agad na nakatawag pansin sa aking pagbaba sa bangka mula sa Batanggas ang malaking signboard ng Chowking. Nasabi ko tuloy sa sarili na may dumagdag na naman. Nang umuwi kasi ako noong nakaraang taon, may nakita na akong Tia Marias, at Shakeys. Naalala ko rin yung nasabi ko dati noong may burger ng Jollibee na inilalako sa beach kung saan sinabi kong palayain n'yo na kami na narinig naman ng ilang lokal na turista. Ano nga ba ang isyu rito? Hindi ba hudyat ng pag-unlad ang pagkakaroon ng mga prominenteng establisyemento mula sa kamaynilaan?
Sa simpleng pananaw, napakagandang isiping dinarayo na ang White Beach ng mga kainang sa mauunlad na lugar lamang makikita. Matitikman na rin ang pizza ng Shakey's na 56 years nang ipinagmamalaki, ang famous na halo-halo ng chowking na may sandosenang sarap at kung anu-ano pang kilalang negosyo sa kamaynilaan. Subalit sino ang makatitikim nito? Ito ba ay para sa mga mamayan ng White Beach o para lamang sa mga turistang dumarayo sa lugar? Ang maliwanag, itinayo ang mga ito hindi para sa mga mamamayan ng White Beach kung hindi para sa mga turista. Maliwanag ding babawasan nito ng kita ang maliliit na lokal na negosyanteng itinataguyod ng mga lokal na residente. Sa halip na ang pagpipilian lamang ay mga produktong lokal, mas mabibili at mas bibilhin ng mga turista ang mga produkto ng mas kilalang establisyemento. Ayos lang naman kung mababawasan lang, subalit ang mas malungkot dito, kung magpapatuloy ang ganitong sistema, maaari nitong patayin ang lokal na negosyo kung saan may nakikitang pag-unlad subalit hindi naman kontrolado o pag-aari ng lokal na mamumuhunan.
Ang isa pang hindi napapansing bunga ng ganitong sistema ay ang paglabas ng salapi mula sa Puerto Galera. Dahil sa ang mga negosyong ito ay hindi taal sa lugar, natural lamang na ilabas nito ang salaping ipinapasok ng mga turista sa lugar. Mababawasan ang salaping iikot sa kalakalan ng Puerto Galera. Ganito lamang ito kasimple, kung may sampung piso sanang iikot sa kamay ng mga lokal na residente mababawasan ito dahil sa ilalabas ng mga dayuhang mamumuhunan ang kanilang tubo.
Uulitin ko lang, palayain n'yo na kami!
Tip # 2: Iderekta sa mga beach ang bangka mula sa Batanggas
Napakagandang isiping napakadaling magbyahe patungo sa Puerto Galera. Hindi na kailangang ma-hassle sa airport at magpalipat-lipat ng sasakyan. Sakay ka lang ng bus patungong Batanggas at pagdating sa terminal pipili na lang ng bangka na diretso sa beach na nais puntahan. Sa ganitong sistema, nakaabang na lang sa pagdaong ng bangka ang mga recruiter at mga trabahador ng resort upang salubungin ang mga turista. Sa simpleng pananaw, napakabilis ng lahat ng transaksyon.
Sa kabilang banda, hindi nito napauunlad ang kabuoang sambayanan. Ang higit lamang na nakikinabang dito ay ang mga resort owners at mga "commissioner" Pinapatay ng ganitong sistema ang negosyo sa ibang lugar na walang turismo o dili kaya ay nagiging katulong na lamang ang mga mamamayan mula sa lugar na walang turismo. At apektado rin maging ang pampublikong transportasyon.
Maraming kaakibat na problema ang ganitong sitema. Una, hindi nabibigyan ng pagkakataong magnegosyo at umunlad ang mga mamamayan sa lugar na walang tursimo. Pangalawa, tataas lalo ang halaga ng inland transportation dahil sa kawalan ng sasakay, pangatlo, sa beach mismo kung saan ang una lamang na resort na napupuno ay yaong malapit sa daungan ng mga bangka at pang-apat, sagabal ang pagdaung ng mga bangka mga turistang naliligo sa aplaya. Kung sakali sanang nasa iisang lugar na walang turismo ang daungan ng mga bangka, magsusulputan ang iba't ibang maliliit na negosyo tulad ng kainan, souveneer shops, at kung anu-ano pang may kaugnayan sa pangangailangan ng mga bumabyaheng turista na siya namang magbibigay kabuhayan sa maliliit na mamamayan.
Isa pang maaaring bunga nito ang pagbababa ng halaga ng transportasyon dahil sa darami ang kanilang pasahero. At ang isa pang lubhang napakagandang dulot nito ay makikita ng mga turistang ang Puerto Galera ay hindi White Beach o Sabang lamang - hindi lamang beach at dive spots kundi kabighabighaning likas na yaman.
Tip # 3: Paunlarin nang paunlarin ang beach
Sa maraming turistang taga-Maynilang dumadalaw sa Puert Galera, ayaw nilang iwan ang kanilang comfort zone. Gusto nilang kung ano ang meron sa kung saan sila nanggaling ay mayroon din sa lugar na kanilang pupuntahan o maaaring mas higit pa. Bumabayad naman umano sila, ito ang kadalasan nilang katuwiran - pampered wika nga. Gusto nila ng hotel sa beach dahil sa nakikita nilang ito ang development. May nagtanong nga dati kung bakit daw ang White Beach ay hindi nila magawang tulad ng Boracay kung saan naglalakihan ang hotel, lahat airconditined room with cabled TV sets at hot shower at kung anu-ano pang magbo-boost ng kanilang ego. Ang lahat ng mga ito ay nais nilang makita sa beach na nagresulta ng siksikang patirahan sa aplaya.Napakaganda nito doon sa mga ipinanganak na may lupain sa aplaya - instant gold ika nga. Pero paano naman yung mga sa likod ng aplaya nagkalupa? Tanging supporting roles lamang ang kanilang naging role sa turismo - recruiter, boat man, tagagawa ng bracelet at kung anu-ano pa. Nakikinabang lamang sila kapag hindi na kaya i-accomodate ng apalya ang mga turista.
Napakaraming tip ni mayor. Magandang sundin upang paunlarin lamang ang mga mayayaman at patayin ang mga mahihirap na mamamayan. Sundin natin ang tip ni mayor nang sa gayon ay dumating ang panahong sila lamang ang tunay na makinabang. Salamat mayor o dakilang manlilikha ng mga pasakit na pasan-pasan ng mamamayan ng Puerto Galera.
#
No comments:
Post a Comment