Tuesday, February 14, 2012

Masaya, Masarap, Masakit, Mapait: Isang Silip sa Hindi Pantay na Pagtingin sa Sekswalidad sa Lipunan


Nakaiskor ka na ba? Natira mo na ba? Nagamit mo na ba? Naikama mo na ba?

Malawak na usapin ang sekswalidad. Kaakibat nito ang lahat ng usaping may kaugnayan sa pakikipagtalik tulad ng kasarian, pagpili ng magiging kaagapay sa
buhay, maagang pagbubuntis at kung anu-ano pa. Nandiyan din ang usapin hinggil sa mga programa ng pamahalan, simbahan at ilan pang mga institusyong hindi magkaisa sa usaping ito.

Masayang pag-usapan ng paksang ito lalo na sa kasalukuyang panahon kung saan lantad na lantad sa lipunan ang mga elementong may kaugnayan dito. Para
bagang iminumulat lamang ang iyong mata sa realidad ng kasalukuyang lipunan. Masarap na usapan din ito sa magkakaibigang nagpapayabangan ng bawat
karanasan o nangangarap may maranasan. Samantalang iminumulat tayo sa ating realidad, masakit isiping tila baga walang malinaw na programa ang mga
institusyong may kaugnayan sa paksang ito kung ano at saan ito patungo. At ang mapait dito, tila baga hindi makawala sa pagiging biktima ang mga kababaihan sa dulo ng bawat usapan. Tatalakayin sa papel na ito ang saya, sarap, sakit, at pait ng usaping sekswalidad sa kasalukuyang lipunan.

I LOVE YOU
Paano ba ma-inlove? Paano ba naipakikitang mahal mo ang isang tao? Kapag "love" ang usapan, ang daming tanong. Ang hirap kasing intindihin ng kahulugan ng "love". Sabi nila, kapag naipaliwanag mo kung bakit mo siya "love", hindi totoong "love" mo siya. Ibig ba nitong sabihing hindi talaga natin maipaliliwanag kung ano ang "love". Kung ganito ang lohika, ayaw kong ma-inlove dahil baka niloloko ko lang ang sarili ko at ang partner ko sa buhay at sa bahay dahil sa isang konseptong hindi ko rin maintindihan.

Sa wikang tagalog, kapwa tumutukoy ang pag-ibig at pagmamahal sa salitang "love". Kung pag-aaralan natin ang morpolohiya ng dalawang salitang salin nito (love) sa tagalog, ibig at mahal ang salitang ugat nito. Ang ibig ay kasingkahulugan ng nais o gusto samantalang ang mahal ay pagbibigay ng halaga. Kung titingnan natin ngayon sa wikang tagalog, ang "love" ay pagnanais at pagbibigay halaga sa isang tao. Ang hindi malinaw ngayon ay pagnanais na ano? Maaaring pagnanais makasama ng mas madalas tulad ng ipinakikita sa lipunan ng mga taong "in-love" umano.

Kung talagang mahal mo ako mag-make love tayo.
Paano nga ba maipakikita ang tunay na pagmamahal, kailangan ba talagang kasama ang pakikipagtalik? Ang usaping ito ay hindi nawawala sa magkarelasyon lalo na sa kabataang nasa yugto ng pagsubok sa maraming bagay. Sa usaping ito, kitang kita ang mataas na pagtingin sa puri at pakikipagtalik. Para sa kababaihan at kalalakihan, ang puri at pakikipagtalik ay inihahanay nila na isang mahalagang kapalit ng pagmamahal. Bahagi rin ito ng pagpapaliwanag kung bakit hindi nagiging madali para sa karamihan sa ating mga Tagalog na sabihin ang mga salitang suso, puki at titi. Iginagalang kasi natin ang mga pribadong bahaging ito ng ating katawan kasabay ng pagtingin natin ng mataas sa kung saan at kailan ito ginagamit. Mataas man ang pagtingin dito, lugi pa rin ang kababaihan sa puntong sila ang maaaring mabuntis.

Sex lang.
Maaaring sabihing mataas pa ang pagtingin ng lipunan sa usapin ng pakikipagtalik subalit kapansin-pansin na sa kasalukuyan ang pagtingin dito bilang isang pangkaraniwang bahagi na lamang ng buhay. May mga lokasyon lang naman kung saan nagiging palasak ito tulad sa beach, bar, at maging sa iskul. Sabi nga nung mentor ko, naglo-loosen ang moral fiber kapag nasa beach at ganun din ang usapin sa mga bar at ng ilan sa mga nasa paaralan. Sa obserbasyon ko sa beach at sa bar, maraming nauuwi sa one night stand. Kailangan lang na magaling kang makipag-usap kahit hindi kagandahang lalaki at matipuno ang pangangatawan.
Nangyayari rin ito sa mga kabataan sa eskwelahan. Sabi ng nila, "basta may alak, may balak", kung saan nagiging bahagi ng party ng mga kabataan ang one night stand. May nabasa rin akong post ng isang estudyante, "ang sex na walang love, exercise lang" na maaaring sabihing nakikita na rin ng mga kabataang pwedeng tingnan ang sex na sex lang talaga. Kapag tiningnan natin ang sex na sex lang talaga, pabata ng pabata ang susubok nito at mawawalan na talaga ng malalim na pagpapahalaga. Paano nga ba nagbago ang pananaw na ito at ano ang magiging bunga nito sa lipunan?

ForHornyMen
Isa ang pornograpiya sa hindi pa nabibigyan ng malinaw na kahulugan at hangganan lalo na sa ligal na usapin. Sa ating bansa kung saan nakalalamang sa bilang ang paniniwalang Katolisismo, paano ba ito tinitingnan?

Iisa lang ang layunin ng pornograpiya, ang paggising sa libog sa katawan. Sa ganitong layunin, pwede nating sabihing anumang nababasa, nakikita o napapanood na gigising/gumigising sa libog sa katawan ay maaaring sabihing pornographic. Kung gayon, maaaring sabihing naglipana ang mga tulad nito sa ating paligid.

Pwedeng sabihing pinakapalasak ito sa internet kung saan napakaraming pornographic web site. Pero palasak din ito sa bawat tabloid sa mga kanto-kanto at maging sa bookstore. Nababanaag din dito ang hindi pantay na lipunan kung saan ang binibili ng masa ay ang nasa kanto lamang samantalang ang maykaya sa buhay ay sa mga booktore na aircon.

Bagaman at may mga magazine na lalaki ang mga nakahubad, karamihan pa rin sa nasa paligid ay babae ang mga nakahubad. Kapansin-pansin din ang maraming billboard na nagpapakita ng mga hubad, o nakapanty/bra/brief lang na nadaraanan at nakikita ng napakaraming tao sa mga pangunahing lansangan sa kamaynilaan at pangunahing tema rin ng mga pelikulang kumikita. Naglipana rin sa mga kalye ang piniratang dvd na ito rin ang tema. Sa tingin ko, napakaliberal ng pagtanggap natin sa pornograpiya at wala ring ginagawa ang pamahalaan para masawata ito.

Usapin hingil sa pagsasamantala sa kababaihan at kabataan ang mabigat na kaakibat ng pornograpiya. Kung liberal ang pagtanggap natin dito at walang ginagawa ang pamahalaan, ibig bang sabihin nitong hindi natin nakikitang biktima ang mga kabataan at kababaihan.

Isa pang usapin dito ay ang pagdami rin ng kababaihang nagbabasa ng mga ganitong materyales. Nangangahulugan ba itong tanggap nilang sila ay ginagamit lamang o hindi na nila talaga nabibigyan ng malalim na halaga ang puri at pakikipagtalik?

Kalakal
Kaakibat ng pagbaba ng tingin sa puri at pakikipagtalik ang paggamit dito bilang isang kalakal na maaaring tumbasan ng halaga. Sa kasalukuyang patuloy ang
paghihirap ng sambayanan, patuloy rin ang pagdami ng mga taong tinutumbasan ng halaga at ginagawang kalakal ang kanilang sarili. Kung noon ay sanasabi kong may tatlong antas ang mga prostitute, dahil sa hirap ng buhay sa kasalukuyan, nadagdagan pa ito ng isa.

Class A ang mga nasa escort service, ilang mga artista at modelo, at mga nasa malalaking hotel at casino, Class B naman ang mga nasa mamahaling Mens Club, Class C ang mga nasa maliliit na beerhouse at mga nasa mall at kalye at Class D ang mga nagpapabayad ng kalakal (na basura) at palit sopas.
Dahil sa semi-legal lang ang prostitusyon sa bansa, marami sa kanila ang nagiging kawawa. May programa ba ang pamahalaan para mahinto ang ganito? Sino na naman ang kawawa rito, ang kalalakihan na gumagamit sa kanila o ang mga kababaihan at kabataang ikinakama?

Nakaiskor na nagamit pa!
Bakit ginagamit ang salitang makaiskor, natira, naikama, nagalaw at nagamit kapag pinag-uusapan kung nakatalik na ang isang babae? Wari bagang ikinukumpara ang kapartner nila sa buhay sa isports na kailangan nilang pagwagian o kaya ay sa isang bagay. Kung ganito ang kaganapan, malungkot ito para sa mga kababaihan dahil kung pinagwagian ka, pang-display ka lang at kung gamit ka, kahit ano pwedeng gawin sa iyo at kapag nagsawa na ay pwedeng itapon at palitan ng mas bago.

Sa kabuuan ng pagtalakay, ipinakita kung paano nagbabago ang pananaw ng tao hingil sa usapin ng pakikipagtalik hanggang sa pagtingin sa sarili bilang kalakal. Ipinakita rin ang ilan sa mga bagay-bagay na kaakibat ng mga pagbabagong ito. At higit sa lahat, kung paanong sa dulo ng lahat ng usapin, biktima palagi ang mga kababaihan. Isang problemang tila baga walang solusyon at tinatanggap na lamang na isang katotohanan. Maging ang pamahalaan na siya sanang gagabay sa kung saan patungo ang sambayanan ay walang ginagawa hinggil sa usaping ito. Gayundin ang usapin sa simbahan marahil na siya sanang mas madaling gamitin para patibayin ang pundasyong moral ng sambayanan subalit hindi rin nito nagagampanan ang tungkuling ito. Mabilis lang ba talaga ang takbo ng buhay at hindi ito napapansin o talaga lang wala na tayong pakialam.

Napakahalagang usapin ang paksang ito. Hindi lamang upang malaman ang mga nagaganap sa lipunan bagkus ay makatutulong ito sa pagsasaayos ng lipunan. Ang mga babae ay hindi dapat tinitingnang kalakal, pag-aari, bagay na pampasaya sa mga kalalakihan at sa halip ay dapat silang tingnan bilang isang taong may pantay ring karapatan.


No comments: