Saturday, June 25, 2011

Ang Edukasyon ni Alon at iba pa

Apat na taong gulang pa lang si Alon subalit nararanasan na niya ang sitemang mapanupil, kolonyalisado, at komersyalisadong edukasyon!

Bago magsimula ang pasukan, binalak naming ilipat ng iskul si Alon. Forty plus thousand ang tuition dun sa napagtanungang iskul na syempre, hindi pa kasama ang uniform, libro, at school bus. Bilang isang simpleng guro sa kolehiyo at ang asawa ko ay nagtatrabaho sa PAL, hindi namin kakayaning paaraling si Alon sa ganito kamahal na iskul sabihin pang maganda ang turo rito. Nagtanung-tanong pa kami at halos hindi naglalayo ang tuition dun sa mga sinasabing magagandang iskul at maging dun sa mga hindi kagandahang iskul. At ngayong pasukan, sa dati pa rin niyang iskul siya nag-aral.

Napakagandang pakinggan ng pangalan ng iskul na pinapasukan ni Alon, ____ Montessori Integrated School. Himayin natin ang pangalang ito.
Integrated school? Sa pagkaalam ni Glenn, binubuo ang paaralang ito ng iba't ibang lahing nag-aaral na mayroong iba't ibang kulturang kinalakihan kung saan mariing pinagtitibay ang kaisipang pluralismo. Sa kaso ng iskul na ito, ito ay isang "katolikong" paaralan kung saan may mga katekistang nagtuturo ng religion subject. Kung talagang integrated school ito, dapat sana ay nagbibigay rin ito ng kaalamang may iba pang mga paniniwalang panrelihiyon o dili kaya ay hindi na nagtuturo ng christian religion.
Montessori school? Ang pagkaalam ko rito sa sistemang ito ay binibigyan ng kalayaang matuto ang mga mag-aaral nang may kaakibat na responsibilidad batay sa kanyang pansariling pag-unlad ng pag-iisip. Sa pagbabasa ko rin, sa ganitong sistema, magkakasama ang mga mag-aaral mula tatlo hanggang anim na taon na hindi tinitingnang nursery, kinder, o prep.

Batay sa mga paglilinaw na ito, hindi ganito ang iskul ni Alon. O baka namang ang nais nilang sabihin ay ang Montessori school ay Integrated sa kanilang sistema. Subalit sa kasamaang palad, hindi ko rin ito nakikita.

Kitangkita ang pagiging komersyalisado ng edukasyon sa ganitong sistema. Yung sinasabing magaling, mataas ang bayad samantalang yung hindi naman ay mababa ang bayad. Dagdag pa ang paggamit ng mga bigating pangalan para sa iskul na wala namang katotohanan para lamang makaakit ng mga estudyante. Sa maraming pagkakataon kasi, pangalan ng iskul ang unang tinitingnan.

Marami pang katangian ang pagiging komersyalisado ng mga paaralan na naranasan ni Alon. Halimbawa ay ang pagbili ng uniporme, libro at mga notebook sa iskul. kung isang libo nga naman ang estudyante, malaki kaagad ang kikitain. Maaari namang tingnang maganda ang ganitong sistema, hindi na mahihirapang bumili pa sa labas. Ang malungkot lang, hindi naman nagagamit ng buo ang mga notebook at maging ang mga libro. Dun nga sa isang book ni Alon, hanggang letter D lang ang ni-trace nila! Buti na lang at malapit sa amin ang iskul ni Alon kaya hindi na kailangan pang mag-schoolbus sapagkat malamang malaki ring bayarin ito.

Kapansin-pansin ding lahat ng libro ni Alon ay Ingles. Hindi ko tinatawaran ang kakayahan ng anak namin sa pag-unawa ng wikang Ingles. Kahit hindi namin siya tinuruang mag-Ingles, nang makipaglaro siya kay Jedi (anak ng pinsan kong Ingles ang natural na wika) ay nagkakaunawaan sila at sumasagot si Alon sa wikang dayuhan. Sinadya naming hindi siya turuang mag-Ingles dahil mas gusto kong maunawaan niyang mabuti ang pagpi-Pilipino bago pag-aralan ang ibang wika.

Bakit nga ba Ingles ang lahat ng libro nila sa iskul? Isang katangian ito ng pagiging kolonisado ng edukasyon. Sana lang, kung talagang Ingles ang gusto nilang gamitin sa iskul ay ingles lang talaga. Ingles na maayos at wasto sapagkat pundasyon ng pagkatuto ng ibang wika ang kanilang ginagawa. Kung palpak ang pundasyon, malaki ang posibilidad na hindi ito magiging maayos sa hinaharap. (Hindi naman namin papayagang mangyari iyon)

Kapansin-pansin din ang pagiging kolonisado ng edukasyon sa mga halimbawang ibinibigay sa mga bata. A for apple, B for ball! Pwede bang A for atis at B for bayong?

Nararanasan ba ni Alon sa murang edad ang pagiging mapanupil?

Iisa ang naging reklamo niya sa unang linggo ng kanyang pagpasok - tatay lagi akong pinamamadali ni teacher! Bilin kasi namin sa kanyang hindi baling mabagal basta maayos, laruin lang niya na hindi ata naiintindihan ng isang preschool teacher. Ang tingin kasi namin, ang preschool ay parang naglalaro habang natututo at hindi ipinipilit ang pagkatuto. Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, susupilin nito ang pagiging malayang mag-isip ng mga bata.

Maaari ring idagdag ang pagsusuot ng uniporme sa pagiging mapanupil. Bakit ba kailangang nakauniporme? Sa maraming pag-aaral, ipinakikitang mas nagiging malikhain ang mga taong hindi gumagamit ng uniporme na higit na kailangan siguro ng mga bata. Malaking negosyo kasi ang uniporme.

Hindi nag-iisa si Alon na nakararanas ng ganitong kalakaran. Pangunahin kasi itong katangian ng sistema ng ating edukasyon. Maaaring maging totoo ang sinabi ng asawa kong mali si Rizal nang sabihing kabataan ang pag-asa ng bayan sapagkat kung magpapatuloy ang ganitong sistema, sunudsunurang kabataang sumasamba sa kanluraning bansa at biktima ng negosyo at pang-aapi ang susunod na salinlahi.

Ang lahat nang mulat at kumikilos na mamamayan ng bansa ang pag-asa ng bayan.

8:49 PM 6/25/2011

No comments: