Friday, September 30, 2011

Tamang Pagbasa sa Bahala Na

Isa sa sinasabing kahinaan ng mga Pilipino ang labis na pagsandal sa paniniwala sa Diyos o mga diyos at diyosa na nagtutulak sa kawalan ng tunay na tiwala sa sarili hanggang sa kawalan ng pagkilos para sa anumang adhikain. Kitang kita umano ito sa kasabihang Bahala na. Ganito ba talaga tayo?
Pinaniwala tayong mga Pilipino sa kaisipang ang bahala na ay nangangahulugang gumagawa tayo ng mga bagay-bagay ng walang katiyakan at ipinasasa-Diyos na lang ang kalalabasan. Pinilit pa ngang iugnay ng ilang "mananaliksik" ang baybayin o alibata para patunayan ito. Sinabi rin sa ibang pananaliksik na mula raw ito sa bathala. Ang mga pananaliksik na ito ay maaaring bunga ng labis na pgkiling sa paniniwala sa Diyos.
Sa isang banda, may mga pananaliksik namang nakikita kong mas angkop sa kultura ng pagiging Pilipino. Tingnan natin ang mga sumusunod na pahayag - Ako ang bahala sa iyo! at Ako na ang bahala diyan. Iniuugnay ba natin ang Diyos dito? Malinaw na pagkuha ng responsibilidad ang ibig ipahiwatig ng unang dalawang pahayag at hindi pag-asa lamang sa Diyos. Maaring sabihing "nasa likod mo ako anuman ang mangyari." Pinagtitibay nito ang kaisipang kapwa na nagmula sa ka puwang - pagkilala sa ibang tao na pantay-pantay lang tayo.
Paano naman sa pahayag na ito - Labis akong nababahala sa maaaring kalabasan ng sanaysay na ito. Ano ang ibig ipahiwatig ng bahala rito? Malinaw na ipinahihiwatig nito ang walang katiyakan. Iniuugnay ba natin ito sa Diyos? Hindi rin naman. Parang sinasabi lang na tingnan na lang natin ang kalalabasan.
Maraming iba't ibang pagbasa sa Bahala na. Malinaw na binabasag ng sanaysay na ito ang matagal nang nakasanayang paniniwala sa kaisipang ito. Ngayon, sa mga nagpupumilit iugnay ito sa labis na paniniwala sa May Kapal, wala namang mali basta ang mga paliwanag ay katanggap-tanggap at hindi ipinagpipilitang palusutin at lalo't higit dapat makatutulong ito para sa paglaya ng Pilipino sa kanluraning pananaw na pilit ipinaangkin sa atin. Tayo ang mga Pilipinong higit na dapat nakakikilala sa atin.

1 comment:

Rhenmart Dela Cruz said...

This just goes to show that Karl Marx's theory on religion is correct. "Religion is the Opium of the masses"
nice article sir Glenn :)