Tuesday, November 15, 2011

paano magsulat


sa tuwing magtatapos ang sem, isang requirement ang madalas inaayawan ng mga estudyante - ang mga sulating papel (term paper, book review, thesis at kung anu-ano pa). ayaw man natin subalit wala tayong magagawa sapagkat kailangan nating gumawa upang makapasa. pero, paano nga ba ang magsulat?

maraming mga bagay-bagay ang dapat isinasaalang-alang ng mga nagnanais magsulat o naatasang magsulat. mahalagang malalim ang kaalaman natin sa wikang ating gagamitin. ganoon din lalo na sa paksang ating tatalakayin. kung kailangang mag-research o mag-interbyu upang lumalim ang kaalaman sa paksa, gawin ito. mahalaga rin ang kakayahang maisaayos ang pagkakasunud-sunod ng kaisipang nais ipabatid. gayun din, mahalagang alam natin kung sino ang nais nating magbasa nito. kung kinakailangang kumopya sa gawa ng iba, huwag itong ariing sarili bagkus ay kilalanin at isulat kung sino ang tunay na may akda at higit sa lahat SIGURUHING KAYANG PANINDIGAN ANG MGA SINULAT dahil wala ka nang panahong linawin at ipagtanggol pa ang iyong mga tinuran.

maging gabay sana natin ang mga tinuran para sa isang maayos at malinaw na sulatin

Friday, September 30, 2011

Tamang Pagbasa sa Bahala Na

Isa sa sinasabing kahinaan ng mga Pilipino ang labis na pagsandal sa paniniwala sa Diyos o mga diyos at diyosa na nagtutulak sa kawalan ng tunay na tiwala sa sarili hanggang sa kawalan ng pagkilos para sa anumang adhikain. Kitang kita umano ito sa kasabihang Bahala na. Ganito ba talaga tayo?
Pinaniwala tayong mga Pilipino sa kaisipang ang bahala na ay nangangahulugang gumagawa tayo ng mga bagay-bagay ng walang katiyakan at ipinasasa-Diyos na lang ang kalalabasan. Pinilit pa ngang iugnay ng ilang "mananaliksik" ang baybayin o alibata para patunayan ito. Sinabi rin sa ibang pananaliksik na mula raw ito sa bathala. Ang mga pananaliksik na ito ay maaaring bunga ng labis na pgkiling sa paniniwala sa Diyos.
Sa isang banda, may mga pananaliksik namang nakikita kong mas angkop sa kultura ng pagiging Pilipino. Tingnan natin ang mga sumusunod na pahayag - Ako ang bahala sa iyo! at Ako na ang bahala diyan. Iniuugnay ba natin ang Diyos dito? Malinaw na pagkuha ng responsibilidad ang ibig ipahiwatig ng unang dalawang pahayag at hindi pag-asa lamang sa Diyos. Maaring sabihing "nasa likod mo ako anuman ang mangyari." Pinagtitibay nito ang kaisipang kapwa na nagmula sa ka puwang - pagkilala sa ibang tao na pantay-pantay lang tayo.
Paano naman sa pahayag na ito - Labis akong nababahala sa maaaring kalabasan ng sanaysay na ito. Ano ang ibig ipahiwatig ng bahala rito? Malinaw na ipinahihiwatig nito ang walang katiyakan. Iniuugnay ba natin ito sa Diyos? Hindi rin naman. Parang sinasabi lang na tingnan na lang natin ang kalalabasan.
Maraming iba't ibang pagbasa sa Bahala na. Malinaw na binabasag ng sanaysay na ito ang matagal nang nakasanayang paniniwala sa kaisipang ito. Ngayon, sa mga nagpupumilit iugnay ito sa labis na paniniwala sa May Kapal, wala namang mali basta ang mga paliwanag ay katanggap-tanggap at hindi ipinagpipilitang palusutin at lalo't higit dapat makatutulong ito para sa paglaya ng Pilipino sa kanluraning pananaw na pilit ipinaangkin sa atin. Tayo ang mga Pilipinong higit na dapat nakakikilala sa atin.

Saturday, June 25, 2011

Ang Edukasyon ni Alon at iba pa

Apat na taong gulang pa lang si Alon subalit nararanasan na niya ang sitemang mapanupil, kolonyalisado, at komersyalisadong edukasyon!

Bago magsimula ang pasukan, binalak naming ilipat ng iskul si Alon. Forty plus thousand ang tuition dun sa napagtanungang iskul na syempre, hindi pa kasama ang uniform, libro, at school bus. Bilang isang simpleng guro sa kolehiyo at ang asawa ko ay nagtatrabaho sa PAL, hindi namin kakayaning paaraling si Alon sa ganito kamahal na iskul sabihin pang maganda ang turo rito. Nagtanung-tanong pa kami at halos hindi naglalayo ang tuition dun sa mga sinasabing magagandang iskul at maging dun sa mga hindi kagandahang iskul. At ngayong pasukan, sa dati pa rin niyang iskul siya nag-aral.

Napakagandang pakinggan ng pangalan ng iskul na pinapasukan ni Alon, ____ Montessori Integrated School. Himayin natin ang pangalang ito.
Integrated school? Sa pagkaalam ni Glenn, binubuo ang paaralang ito ng iba't ibang lahing nag-aaral na mayroong iba't ibang kulturang kinalakihan kung saan mariing pinagtitibay ang kaisipang pluralismo. Sa kaso ng iskul na ito, ito ay isang "katolikong" paaralan kung saan may mga katekistang nagtuturo ng religion subject. Kung talagang integrated school ito, dapat sana ay nagbibigay rin ito ng kaalamang may iba pang mga paniniwalang panrelihiyon o dili kaya ay hindi na nagtuturo ng christian religion.
Montessori school? Ang pagkaalam ko rito sa sistemang ito ay binibigyan ng kalayaang matuto ang mga mag-aaral nang may kaakibat na responsibilidad batay sa kanyang pansariling pag-unlad ng pag-iisip. Sa pagbabasa ko rin, sa ganitong sistema, magkakasama ang mga mag-aaral mula tatlo hanggang anim na taon na hindi tinitingnang nursery, kinder, o prep.

Batay sa mga paglilinaw na ito, hindi ganito ang iskul ni Alon. O baka namang ang nais nilang sabihin ay ang Montessori school ay Integrated sa kanilang sistema. Subalit sa kasamaang palad, hindi ko rin ito nakikita.

Kitangkita ang pagiging komersyalisado ng edukasyon sa ganitong sistema. Yung sinasabing magaling, mataas ang bayad samantalang yung hindi naman ay mababa ang bayad. Dagdag pa ang paggamit ng mga bigating pangalan para sa iskul na wala namang katotohanan para lamang makaakit ng mga estudyante. Sa maraming pagkakataon kasi, pangalan ng iskul ang unang tinitingnan.

Marami pang katangian ang pagiging komersyalisado ng mga paaralan na naranasan ni Alon. Halimbawa ay ang pagbili ng uniporme, libro at mga notebook sa iskul. kung isang libo nga naman ang estudyante, malaki kaagad ang kikitain. Maaari namang tingnang maganda ang ganitong sistema, hindi na mahihirapang bumili pa sa labas. Ang malungkot lang, hindi naman nagagamit ng buo ang mga notebook at maging ang mga libro. Dun nga sa isang book ni Alon, hanggang letter D lang ang ni-trace nila! Buti na lang at malapit sa amin ang iskul ni Alon kaya hindi na kailangan pang mag-schoolbus sapagkat malamang malaki ring bayarin ito.

Kapansin-pansin ding lahat ng libro ni Alon ay Ingles. Hindi ko tinatawaran ang kakayahan ng anak namin sa pag-unawa ng wikang Ingles. Kahit hindi namin siya tinuruang mag-Ingles, nang makipaglaro siya kay Jedi (anak ng pinsan kong Ingles ang natural na wika) ay nagkakaunawaan sila at sumasagot si Alon sa wikang dayuhan. Sinadya naming hindi siya turuang mag-Ingles dahil mas gusto kong maunawaan niyang mabuti ang pagpi-Pilipino bago pag-aralan ang ibang wika.

Bakit nga ba Ingles ang lahat ng libro nila sa iskul? Isang katangian ito ng pagiging kolonisado ng edukasyon. Sana lang, kung talagang Ingles ang gusto nilang gamitin sa iskul ay ingles lang talaga. Ingles na maayos at wasto sapagkat pundasyon ng pagkatuto ng ibang wika ang kanilang ginagawa. Kung palpak ang pundasyon, malaki ang posibilidad na hindi ito magiging maayos sa hinaharap. (Hindi naman namin papayagang mangyari iyon)

Kapansin-pansin din ang pagiging kolonisado ng edukasyon sa mga halimbawang ibinibigay sa mga bata. A for apple, B for ball! Pwede bang A for atis at B for bayong?

Nararanasan ba ni Alon sa murang edad ang pagiging mapanupil?

Iisa ang naging reklamo niya sa unang linggo ng kanyang pagpasok - tatay lagi akong pinamamadali ni teacher! Bilin kasi namin sa kanyang hindi baling mabagal basta maayos, laruin lang niya na hindi ata naiintindihan ng isang preschool teacher. Ang tingin kasi namin, ang preschool ay parang naglalaro habang natututo at hindi ipinipilit ang pagkatuto. Kung magpapatuloy ang ganitong kalakaran, susupilin nito ang pagiging malayang mag-isip ng mga bata.

Maaari ring idagdag ang pagsusuot ng uniporme sa pagiging mapanupil. Bakit ba kailangang nakauniporme? Sa maraming pag-aaral, ipinakikitang mas nagiging malikhain ang mga taong hindi gumagamit ng uniporme na higit na kailangan siguro ng mga bata. Malaking negosyo kasi ang uniporme.

Hindi nag-iisa si Alon na nakararanas ng ganitong kalakaran. Pangunahin kasi itong katangian ng sistema ng ating edukasyon. Maaaring maging totoo ang sinabi ng asawa kong mali si Rizal nang sabihing kabataan ang pag-asa ng bayan sapagkat kung magpapatuloy ang ganitong sistema, sunudsunurang kabataang sumasamba sa kanluraning bansa at biktima ng negosyo at pang-aapi ang susunod na salinlahi.

Ang lahat nang mulat at kumikilos na mamamayan ng bansa ang pag-asa ng bayan.

8:49 PM 6/25/2011

Wednesday, June 22, 2011

Walang Crab Mentality

Madalas sinasabing buhay sa mga Pinoy ang crab mentality. Ayaw umano nating makitang may ibang taong umaangat kung kaya at hinahatak natin sila pababa. Ayaw ba talaga nating umunlad?

Ano nga ba ang pag-unlad? Ayon kay Glenn, nangangahulugan ito ng pagtamasa ng kaginhawahan habang nabubuhay. Sa kahulugang ito, malamang ay mga katoliko lamang sa Pilipinas ang ayaw ng pag-unlad dahil sa kaisipang itinatak ng mga Espanyol sa pag-iisip ng mga sinaunang Pilipino na mapalad ang mga inaapi dahil makalalasap sila ng ginhawa sa langit. (with apologies to all Catholics) Kailangan ng lahat ang pag-unlad. Kailangan ng lahat guminhawa ang buhay! Kung gayon, bakit nabuo ang kaisipang crab mentality?

Ang kaisipang ito ay pag-uugaling ipinaangkin sa atin ng mga nagmamagaling na Kano. Mga taong gumagawa ng pahayag nang hindi isinasaalang-alang ang kultura ng pinahahayagan. Hindi kasi alam ng mga Kano ang konsepto ng "kapwa" kung saang ang pagkilala natin sa lahat ng hilalang ay ka puwang - tinitingnan natin ang bawat isa na may pantay na karapatan sa lahat. Sa ganitong usapin, makikitang ang kaisipan natin ay sama-sama tungo sa pag-unlad at hindi individualistic na hindi maintindihan ng mga nagmamarunong na puti.

Dapat nating itama ang ating kaisipan. Baguhin natin ang mga nasulat sa mga aklat na walang pagpapatibay na pangkultura sapagkat hangga't may mga ganitong nasusulat, babaon at aangkinin na talaga natin ang maling pananaw na ito.

Hindi totoo ang crab mentality! Hindi tayo naghahatakang pababa, ang konsepto natin ng pag-unlad ay sama-sama!

11:19 PM 6/22/2011

Thursday, April 21, 2011

Tip ni Mayor . . .

Salamat mayor, marami kang naiambag sa buhay namin! Salamat o dakilang manlilikha!

Halos taun-taon ako kung umuwi sa Puerto Galera. Bagaman at dito ako nag-aral, sa kalunsuran naman ako nakapagtrabaho. Sa tuwing may pagkakataon lang magbakasyon ako nakauuwi sa aking lupang sinilangan. Pababa pa lang ako ng bangka mula sa Batanggas ay kitang-kita na ang mga pagbabago sa dati kong playground. Mga pagbabagong sa unang tinging ay may kaakibat na pag-unlad at makatututulong sa mga mamamayan ng White Beach, Puerto Galera. Mga pagbabagong pinayagan ng lokal na pamahalaan. Sabi ko nga sa sarili, mga tip ito ni mayor.

Tip # 1: Magpapasok ng mga prominenteng negosyo mula sa Maynila

Agad na nakatawag pansin sa aking pagbaba sa bangka mula sa Batanggas ang malaking signboard ng Chowking. Nasabi ko tuloy sa sarili na may dumagdag na naman. Nang umuwi kasi ako noong nakaraang taon, may nakita na akong Tia Marias, at Shakeys. Naalala ko rin yung nasabi ko dati noong may burger ng Jollibee na inilalako sa beach kung saan sinabi kong palayain n'yo na kami na narinig naman ng ilang lokal na turista. Ano nga ba ang isyu rito? Hindi ba hudyat ng pag-unlad ang pagkakaroon ng mga prominenteng establisyemento mula sa kamaynilaan?

Sa simpleng pananaw, napakagandang isiping dinarayo na ang White Beach ng mga kainang sa mauunlad na lugar lamang makikita. Matitikman na rin ang pizza ng Shakey's na 56 years nang ipinagmamalaki, ang famous na halo-halo ng chowking na may sandosenang sarap at kung anu-ano pang kilalang negosyo sa kamaynilaan. Subalit sino ang makatitikim nito? Ito ba ay para sa mga mamayan ng White Beach o para lamang sa mga turistang dumarayo sa lugar? Ang maliwanag, itinayo ang mga ito hindi para sa mga mamamayan ng White Beach kung hindi para sa mga turista. Maliwanag ding babawasan nito ng kita ang maliliit na lokal na negosyanteng itinataguyod ng mga lokal na residente. Sa halip na ang pagpipilian lamang ay mga produktong lokal, mas mabibili at mas bibilhin ng mga turista ang mga produkto ng mas kilalang establisyemento. Ayos lang naman kung mababawasan lang, subalit ang mas malungkot dito, kung magpapatuloy ang ganitong sistema, maaari nitong patayin ang lokal na negosyo kung saan may nakikitang pag-unlad subalit hindi naman kontrolado o pag-aari ng lokal na mamumuhunan.

Ang isa pang hindi napapansing bunga ng ganitong sistema ay ang paglabas ng salapi mula sa Puerto Galera. Dahil sa ang mga negosyong ito ay hindi taal sa lugar, natural lamang na ilabas nito ang salaping ipinapasok ng mga turista sa lugar. Mababawasan ang salaping iikot sa kalakalan ng Puerto Galera. Ganito lamang ito kasimple, kung may sampung piso sanang iikot sa kamay ng mga lokal na residente mababawasan ito dahil sa ilalabas ng mga dayuhang mamumuhunan ang kanilang tubo.

Uulitin ko lang, palayain n'yo na kami!

Tip # 2: Iderekta sa mga beach ang bangka mula sa Batanggas

Napakagandang isiping napakadaling magbyahe patungo sa Puerto Galera. Hindi na kailangang ma-hassle sa airport at magpalipat-lipat ng sasakyan. Sakay ka lang ng bus patungong Batanggas at pagdating sa terminal pipili na lang ng bangka na diretso sa beach na nais puntahan. Sa ganitong sistema, nakaabang na lang sa pagdaong ng bangka ang mga recruiter at mga trabahador ng resort upang salubungin ang mga turista. Sa simpleng pananaw, napakabilis ng lahat ng transaksyon.

Sa kabilang banda, hindi nito napauunlad ang kabuoang sambayanan. Ang higit lamang na nakikinabang dito ay ang mga resort owners at mga "commissioner" Pinapatay ng ganitong sistema ang negosyo sa ibang lugar na walang turismo o dili kaya ay nagiging katulong na lamang ang mga mamamayan mula sa lugar na walang turismo. At apektado rin maging ang pampublikong transportasyon.

Maraming kaakibat na problema ang ganitong sitema. Una, hindi nabibigyan ng pagkakataong magnegosyo at umunlad ang mga mamamayan sa lugar na walang tursimo. Pangalawa, tataas lalo ang halaga ng inland transportation dahil sa kawalan ng sasakay, pangatlo, sa beach mismo kung saan ang una lamang na resort na napupuno ay yaong malapit sa daungan ng mga bangka at pang-apat, sagabal ang pagdaung ng mga bangka mga turistang naliligo sa aplaya. Kung sakali sanang nasa iisang lugar na walang turismo ang daungan ng mga bangka, magsusulputan ang iba't ibang maliliit na negosyo tulad ng kainan, souveneer shops, at kung anu-ano pang may kaugnayan sa pangangailangan ng mga bumabyaheng turista na siya namang magbibigay kabuhayan sa maliliit na mamamayan.

Isa pang maaaring bunga nito ang pagbababa ng halaga ng transportasyon dahil sa darami ang kanilang pasahero. At ang isa pang lubhang napakagandang dulot nito ay makikita ng mga turistang ang Puerto Galera ay hindi White Beach o Sabang lamang - hindi lamang beach at dive spots kundi kabighabighaning likas na yaman.

Tip # 3: Paunlarin nang paunlarin ang beach

Sa maraming turistang taga-Maynilang dumadalaw sa Puert Galera, ayaw nilang iwan ang kanilang comfort zone. Gusto nilang kung ano ang meron sa kung saan sila nanggaling ay mayroon din sa lugar na kanilang pupuntahan o maaaring mas higit pa. Bumabayad naman umano sila, ito ang kadalasan nilang katuwiran - pampered wika nga. Gusto nila ng hotel sa beach dahil sa nakikita nilang ito ang development. May nagtanong nga dati kung bakit daw ang White Beach ay hindi nila magawang tulad ng Boracay kung saan naglalakihan ang hotel, lahat airconditined room with cabled TV sets at hot shower at kung anu-ano pang magbo-boost ng kanilang ego. Ang lahat ng mga ito ay nais nilang makita sa beach na nagresulta ng siksikang patirahan sa aplaya.Napakaganda nito doon sa mga ipinanganak na may lupain sa aplaya - instant gold ika nga. Pero paano naman yung mga sa likod ng aplaya nagkalupa? Tanging supporting roles lamang ang kanilang naging role sa turismo - recruiter, boat man, tagagawa ng bracelet at kung anu-ano pa. Nakikinabang lamang sila kapag hindi na kaya i-accomodate ng apalya ang mga turista.

Napakaraming tip ni mayor. Magandang sundin upang paunlarin lamang ang mga mayayaman at patayin ang mga mahihirap na mamamayan. Sundin natin ang tip ni mayor nang sa gayon ay dumating ang panahong sila lamang ang tunay na makinabang. Salamat mayor o dakilang manlilikha ng mga pasakit na pasan-pasan ng mamamayan ng Puerto Galera.


#