Saturday, September 08, 2012

mungkahing solusyon sa kakapusan ng tubig

5:07 PM 9/8/2012

malaking usapin sa kasalukyan ang suliranin sa tubig. isang suliraning nangangailangan ng agarang kasagutan lalo na sa bayang turismo ang pangunahing pinagkukunan ng ikinabubuhay.

maaaring sabihing isang kabalintunaang ang mga lugar sa kanayunan tulad ng Puerto Galera ay kinakapos sa malinis na tubig samantalang may kakayanan naman ang lokal na pamahalaan at maging ang lokal na mga mamumuhunan upang isaayos ito. isang mungkahi ang nais kong ilatag upang bigyang-kasagutan ang naturang suliranin. (maaari itong gawin sa white beach bilang pilot project ng isang kooperatiba)

dahil sa mayroon namang napagkukunan ng tubig tulad ng Dimayuga, isang mungkahi ang pagkakaroon ng mga over head water tank kung saan may direktang tubig mula sa Dimayuga at iiimbak sa over head tank na siya namang pagkukunan ng tubig na ipamamahagi sa bawat kabahayan o establisimyento na nais magpakabit nito. (kung wala namang mapagkukunan ng tubig, baka maaring gawin ang paggamit ng cistern tank na mag-iimbak ng tubig mula sa ulan o dili kaya ay magkaroon ng deepwell na mapagkukunan ng tubig na siya ring iiimbak sa over head tank) maaaring maghanap ng mga bakanteng lote kung saan ito maaaring itayo. kung sakaling pribadong pag-aari ang lupain, maaaring rentahin ito ng magpapatakbo ng kooperatiba ng patubig. sa konsumo ng white beach, maaari sigurong lagyan ng mga tatlong overhead tank sa mga lugar kung saan magiging pantay ang paghahati ng supply ng tubig.

marami pang maaaring makapag-isip ng mas maganda pa rito subalit ang mahalaga ay may manguna upang tugunan ang suliraning ito sa tubig.


Sunday, August 26, 2012

Ilang pananaw sa mga kaganapan sa aming bayan mula kay Glenn, isang tambay na nagsusuri.


nananatili pa rin ang Puerto Galera na isa sa pinakamagandang lugar-bakasyunang malapit sa kamaynilaan. taglay pa rin nito ang hindi matatawarang ganda ng kalikasan mula sa dalampasigan, ilalim ng karagatan at maging sa kabundukan - kagandahang nagpatanyag at nagbigay kabuhayan sa mga mamamayan. maaari ring sabihing mga katangian nagpabago sa pamumuhay at pananaw ng sarili nitong mamamayan.

hindi maitatatwang dahil sa turismo kaya kinilalang first class municipality ang bayang ito. mayroon itong kinikitang tinatayang mahigit 100 milyong piso samantalang mayroon lamang na mahigit 28,000 mga mamamayan. sa halagang ito, maaaring sabihing maaaring magkaroon ng magandang infrastructure ang bayang ito - maayos na mga daanan para sa mga tao at mga sasakyan papasok at palabas ng bayan, maayos na kagamitan para sa komunikasyon, maayos na daanan ng baha, maayos na supply ng tubig at kuryente, at maayos na mga pampublikong paaralan at pagamutan. ngunit tulad ng maraming lugar sa bansa, hindi makita o maramdaman ang mga ito sa bayang ito. kailangan ba nating maghanap ng sisisihin?

problema pa rin hanggang sa kasalukuyan ang kawalan ng maayos na supply ng tubig. hindi ko alam kung talagang mahirap ayusin ang patubig sa bayang ito o talagang hindi lang natin pinapansin ang kahalagahan ng pagkakaroon nito o talagang nais ng pamunuang pahirapan ang buhay ng mga mamamayan. 

dahil nasa isla ang mindoro ang puerto galera, kailangan nito ang maayos na sasakyang pandagat tulad ng mga roro na magsasakay papasok at palabas ng isla ng mga turista at kalakal na wala pa rin hanggang sa kasalukuyan.

hindi pa rin maayos-ayos ang supply ng kuryente na kailangan sana dahil ang pangunahing negosyo ay turismo. napupunan naman ng ilang mga resort owner ang kakulangang ito subalit hindi ng mga maliliit na negosyo at lalo na ng mga mahihirap nating kababayan.

patuloy rin ang pagbabaha lalo na sa pangunahing tunguhin ng mga turista. dahil lang ba ito sa unti-unting nakakalbong kabundukan o dahil wala nang madaanan ang tubig-baha dahil sa ang dati nitong lagusan ay unti-unting tinatayuan ng mga bahay-patirahan?

kapansin-pansin din ang hindi maayos na mga lagusan patungo sa dalampasigan na sana'y inuuna nang sa gayon ay makinabang din sa turismo ang mga mamamayang hindi biniyayaan ng pag-aari sa tabing dagat.

ilan lamang ang mga ito sa napakaraming hindi binibigyan o nabibigyan ng pansin ng pamahalaan at maging ng mga mamamayan. sa puntong ito, huwag na tayong magsisihan o maghanap ng mababato ng sisi, bagkus ay ituon na natin ang lahat ng kaya natin upang palalimin ang alam sa problema ng bayan at kung paano ito mabibigyang kasagutan.

peace

http://www.blgs.gov.ph/lgpmsv2/cmshome/index.php?pageID=23&frmIdDcfCode=8&fLguType=CM&frmIdRegion=7&frmIdProvince=41&frmIdLgu=876

Wednesday, August 08, 2012




Ilang mungkahing solusyon sa problema ng bayan mula sa pananaw ni Glenn, isang tambay na tumitingin sa isang pangmatagalang solusyon.


hinggil sa transportasyon


isa sa bentahe ng Puerto Galera ang pagiging madali nitong puntahan subalit nagiging sagabal pa rin ito dahil sa uri ng sasakyan at taas ng halaga ng singil.

mahalaga ang transportasyon sa pagpapadaloy ng kalakalan. isa mungkahi ang pagbuhay muli roro sa ating bayan. mahalaga ito sapagkat alam nating hindi lang tao ang madadala nito kundi maging mga sasakyan. kung ang mga turistang darating sa atin ay mayroong sasakyan, mas maiikot nila ang buong bayan at mas malaking kita ang madadala nito sa kabuuan. (maaari kasi silang bumili ng kendi at tinapay sa maliliit na tindahan)

kung ayaw nang pumasok ng dati nang namuhunan sa roro, maaaring kausapin ng lokal na pamahalaan ang mga lokal na nagmamay-ari ng bangkang nagbibigay-serbisyo na sa kasalukuyan upang sila ang maghati-hati at mamuhunan. maaari ring tumulong ang ilan pang lokal na negosyante para pa rin sa puhunan at maging ang lokal na pamahalaan ay maaaring mamuhunan o maglaan ng pondo para rito na maaaring ipautang sa mga nagnanais ng ganitong negosyo. kaugnay ng mungkahing ito ang dahan-dahang pagbawas sa mga bangka at paglagay sa kanila sa iisang pantalan. maaari ring palitan ang mga bangka ng fast craft subalit ang mungkahi, mga lokal din ang gagawa nito upang magkaroon ng trabaho ang mga kababayan natin at ariin nating tunay na atin.

kung nasa iisang pantalan ang mga pasahero, muli nitong bubuhayin ang mga drayber at konduktor na kusang pagpapababa sa pamasahe o maaaring utusang ibaba ang pamasahe sa tulong ng lokal na pamahalaan dahil magiging regular na ang kanilang kita. gayun din, magbibigay ito ng kita sa mga gasolinahan, maliliit na tindahan sa labas ng beach. dapat panatilihin ang mga traysikel sapagkat gawa ito ng mga lokal na latero na patuloy na nagbibigay kabuhayan sa kanila. maaari ring suportahan ng lokal na pamahalaan ang mga lokal na latero para makagawa ng ilang disensyong kikilalaning gawa sa Puerto Galera na makaaakit pa rin sa paglago ng turismo. maganda rin naman ang e-trike, subalit kung ito na ang gagamitin natin, tatanggalan nito ng ikinabubuhay ang maliliit nating kababayang gumagawa ng tricycle. ang mungkahi, magkaroon ng mamumuhunang dito gagawa ng e-trike sa puerto galera.


Monday, July 30, 2012

Wednesday, March 28, 2012

pagtatagpo


hinanap kita
hindi dahil gusto lang kitang makita
kundi dahil gusto kitang madama


hinintay kita
hindi dahil iyon lang ang gusto ko
kundi dahil gusto kitang makasama


at ngayon
magkaagapay nating tinatanaw ang buhay
at dinadama ang saya ng ating pagtatagpo

Tuesday, February 14, 2012

Masaya, Masarap, Masakit, Mapait: Isang Silip sa Hindi Pantay na Pagtingin sa Sekswalidad sa Lipunan


Nakaiskor ka na ba? Natira mo na ba? Nagamit mo na ba? Naikama mo na ba?

Malawak na usapin ang sekswalidad. Kaakibat nito ang lahat ng usaping may kaugnayan sa pakikipagtalik tulad ng kasarian, pagpili ng magiging kaagapay sa
buhay, maagang pagbubuntis at kung anu-ano pa. Nandiyan din ang usapin hinggil sa mga programa ng pamahalan, simbahan at ilan pang mga institusyong hindi magkaisa sa usaping ito.

Masayang pag-usapan ng paksang ito lalo na sa kasalukuyang panahon kung saan lantad na lantad sa lipunan ang mga elementong may kaugnayan dito. Para
bagang iminumulat lamang ang iyong mata sa realidad ng kasalukuyang lipunan. Masarap na usapan din ito sa magkakaibigang nagpapayabangan ng bawat
karanasan o nangangarap may maranasan. Samantalang iminumulat tayo sa ating realidad, masakit isiping tila baga walang malinaw na programa ang mga
institusyong may kaugnayan sa paksang ito kung ano at saan ito patungo. At ang mapait dito, tila baga hindi makawala sa pagiging biktima ang mga kababaihan sa dulo ng bawat usapan. Tatalakayin sa papel na ito ang saya, sarap, sakit, at pait ng usaping sekswalidad sa kasalukuyang lipunan.

I LOVE YOU
Paano ba ma-inlove? Paano ba naipakikitang mahal mo ang isang tao? Kapag "love" ang usapan, ang daming tanong. Ang hirap kasing intindihin ng kahulugan ng "love". Sabi nila, kapag naipaliwanag mo kung bakit mo siya "love", hindi totoong "love" mo siya. Ibig ba nitong sabihing hindi talaga natin maipaliliwanag kung ano ang "love". Kung ganito ang lohika, ayaw kong ma-inlove dahil baka niloloko ko lang ang sarili ko at ang partner ko sa buhay at sa bahay dahil sa isang konseptong hindi ko rin maintindihan.

Sa wikang tagalog, kapwa tumutukoy ang pag-ibig at pagmamahal sa salitang "love". Kung pag-aaralan natin ang morpolohiya ng dalawang salitang salin nito (love) sa tagalog, ibig at mahal ang salitang ugat nito. Ang ibig ay kasingkahulugan ng nais o gusto samantalang ang mahal ay pagbibigay ng halaga. Kung titingnan natin ngayon sa wikang tagalog, ang "love" ay pagnanais at pagbibigay halaga sa isang tao. Ang hindi malinaw ngayon ay pagnanais na ano? Maaaring pagnanais makasama ng mas madalas tulad ng ipinakikita sa lipunan ng mga taong "in-love" umano.

Kung talagang mahal mo ako mag-make love tayo.
Paano nga ba maipakikita ang tunay na pagmamahal, kailangan ba talagang kasama ang pakikipagtalik? Ang usaping ito ay hindi nawawala sa magkarelasyon lalo na sa kabataang nasa yugto ng pagsubok sa maraming bagay. Sa usaping ito, kitang kita ang mataas na pagtingin sa puri at pakikipagtalik. Para sa kababaihan at kalalakihan, ang puri at pakikipagtalik ay inihahanay nila na isang mahalagang kapalit ng pagmamahal. Bahagi rin ito ng pagpapaliwanag kung bakit hindi nagiging madali para sa karamihan sa ating mga Tagalog na sabihin ang mga salitang suso, puki at titi. Iginagalang kasi natin ang mga pribadong bahaging ito ng ating katawan kasabay ng pagtingin natin ng mataas sa kung saan at kailan ito ginagamit. Mataas man ang pagtingin dito, lugi pa rin ang kababaihan sa puntong sila ang maaaring mabuntis.

Sex lang.
Maaaring sabihing mataas pa ang pagtingin ng lipunan sa usapin ng pakikipagtalik subalit kapansin-pansin na sa kasalukuyan ang pagtingin dito bilang isang pangkaraniwang bahagi na lamang ng buhay. May mga lokasyon lang naman kung saan nagiging palasak ito tulad sa beach, bar, at maging sa iskul. Sabi nga nung mentor ko, naglo-loosen ang moral fiber kapag nasa beach at ganun din ang usapin sa mga bar at ng ilan sa mga nasa paaralan. Sa obserbasyon ko sa beach at sa bar, maraming nauuwi sa one night stand. Kailangan lang na magaling kang makipag-usap kahit hindi kagandahang lalaki at matipuno ang pangangatawan.
Nangyayari rin ito sa mga kabataan sa eskwelahan. Sabi ng nila, "basta may alak, may balak", kung saan nagiging bahagi ng party ng mga kabataan ang one night stand. May nabasa rin akong post ng isang estudyante, "ang sex na walang love, exercise lang" na maaaring sabihing nakikita na rin ng mga kabataang pwedeng tingnan ang sex na sex lang talaga. Kapag tiningnan natin ang sex na sex lang talaga, pabata ng pabata ang susubok nito at mawawalan na talaga ng malalim na pagpapahalaga. Paano nga ba nagbago ang pananaw na ito at ano ang magiging bunga nito sa lipunan?

ForHornyMen
Isa ang pornograpiya sa hindi pa nabibigyan ng malinaw na kahulugan at hangganan lalo na sa ligal na usapin. Sa ating bansa kung saan nakalalamang sa bilang ang paniniwalang Katolisismo, paano ba ito tinitingnan?

Iisa lang ang layunin ng pornograpiya, ang paggising sa libog sa katawan. Sa ganitong layunin, pwede nating sabihing anumang nababasa, nakikita o napapanood na gigising/gumigising sa libog sa katawan ay maaaring sabihing pornographic. Kung gayon, maaaring sabihing naglipana ang mga tulad nito sa ating paligid.

Pwedeng sabihing pinakapalasak ito sa internet kung saan napakaraming pornographic web site. Pero palasak din ito sa bawat tabloid sa mga kanto-kanto at maging sa bookstore. Nababanaag din dito ang hindi pantay na lipunan kung saan ang binibili ng masa ay ang nasa kanto lamang samantalang ang maykaya sa buhay ay sa mga booktore na aircon.

Bagaman at may mga magazine na lalaki ang mga nakahubad, karamihan pa rin sa nasa paligid ay babae ang mga nakahubad. Kapansin-pansin din ang maraming billboard na nagpapakita ng mga hubad, o nakapanty/bra/brief lang na nadaraanan at nakikita ng napakaraming tao sa mga pangunahing lansangan sa kamaynilaan at pangunahing tema rin ng mga pelikulang kumikita. Naglipana rin sa mga kalye ang piniratang dvd na ito rin ang tema. Sa tingin ko, napakaliberal ng pagtanggap natin sa pornograpiya at wala ring ginagawa ang pamahalaan para masawata ito.

Usapin hingil sa pagsasamantala sa kababaihan at kabataan ang mabigat na kaakibat ng pornograpiya. Kung liberal ang pagtanggap natin dito at walang ginagawa ang pamahalaan, ibig bang sabihin nitong hindi natin nakikitang biktima ang mga kabataan at kababaihan.

Isa pang usapin dito ay ang pagdami rin ng kababaihang nagbabasa ng mga ganitong materyales. Nangangahulugan ba itong tanggap nilang sila ay ginagamit lamang o hindi na nila talaga nabibigyan ng malalim na halaga ang puri at pakikipagtalik?

Kalakal
Kaakibat ng pagbaba ng tingin sa puri at pakikipagtalik ang paggamit dito bilang isang kalakal na maaaring tumbasan ng halaga. Sa kasalukuyang patuloy ang
paghihirap ng sambayanan, patuloy rin ang pagdami ng mga taong tinutumbasan ng halaga at ginagawang kalakal ang kanilang sarili. Kung noon ay sanasabi kong may tatlong antas ang mga prostitute, dahil sa hirap ng buhay sa kasalukuyan, nadagdagan pa ito ng isa.

Class A ang mga nasa escort service, ilang mga artista at modelo, at mga nasa malalaking hotel at casino, Class B naman ang mga nasa mamahaling Mens Club, Class C ang mga nasa maliliit na beerhouse at mga nasa mall at kalye at Class D ang mga nagpapabayad ng kalakal (na basura) at palit sopas.
Dahil sa semi-legal lang ang prostitusyon sa bansa, marami sa kanila ang nagiging kawawa. May programa ba ang pamahalaan para mahinto ang ganito? Sino na naman ang kawawa rito, ang kalalakihan na gumagamit sa kanila o ang mga kababaihan at kabataang ikinakama?

Nakaiskor na nagamit pa!
Bakit ginagamit ang salitang makaiskor, natira, naikama, nagalaw at nagamit kapag pinag-uusapan kung nakatalik na ang isang babae? Wari bagang ikinukumpara ang kapartner nila sa buhay sa isports na kailangan nilang pagwagian o kaya ay sa isang bagay. Kung ganito ang kaganapan, malungkot ito para sa mga kababaihan dahil kung pinagwagian ka, pang-display ka lang at kung gamit ka, kahit ano pwedeng gawin sa iyo at kapag nagsawa na ay pwedeng itapon at palitan ng mas bago.

Sa kabuuan ng pagtalakay, ipinakita kung paano nagbabago ang pananaw ng tao hingil sa usapin ng pakikipagtalik hanggang sa pagtingin sa sarili bilang kalakal. Ipinakita rin ang ilan sa mga bagay-bagay na kaakibat ng mga pagbabagong ito. At higit sa lahat, kung paanong sa dulo ng lahat ng usapin, biktima palagi ang mga kababaihan. Isang problemang tila baga walang solusyon at tinatanggap na lamang na isang katotohanan. Maging ang pamahalaan na siya sanang gagabay sa kung saan patungo ang sambayanan ay walang ginagawa hinggil sa usaping ito. Gayundin ang usapin sa simbahan marahil na siya sanang mas madaling gamitin para patibayin ang pundasyong moral ng sambayanan subalit hindi rin nito nagagampanan ang tungkuling ito. Mabilis lang ba talaga ang takbo ng buhay at hindi ito napapansin o talaga lang wala na tayong pakialam.

Napakahalagang usapin ang paksang ito. Hindi lamang upang malaman ang mga nagaganap sa lipunan bagkus ay makatutulong ito sa pagsasaayos ng lipunan. Ang mga babae ay hindi dapat tinitingnang kalakal, pag-aari, bagay na pampasaya sa mga kalalakihan at sa halip ay dapat silang tingnan bilang isang taong may pantay ring karapatan.