Tuesday, July 25, 2006

Trapik

'Di ko kabisado ang Cubao.
Ang alam ko lang, matrapik sa Cubao.

'Di ko alam na...
Sa nagbebenta ng sigarilyo,
pati babae mabibili.

'Di ko alam na...
Ang Ali Mall, tulad din ng Harrison,
may babaeng ipinagbibili.

'Di ko alam na...
'di rin natutulog ang Cubao.
Sa gabi't araw, may ibinubugaw.

'Di ko kabisado ang Cubao.
Ang alam ko lang, matrapik sa Cubao.

sa kabila ng lahat

photographer ako
subalit sa aking kasal
wala akong picture

guro ako
subalit aking anak
'di ko maturuan at di mapag-aral

karpintero ako
ngunit sariling bahay
ay wala ako

kusinero ako
subalit sa bahay ko'y
walang maluto para sa pamilya

at marami pa kaming mga manggagawa
patuloy na nagsusumikap
ngunit di makalasap kahit kaunting ginhawa

sa kabila ng lahat
patuloy kaming naglilingkod
patuloy kaming nabubuhay
para sa sambayanan

kami ang mga photographer
pakinggan po ninyo kami
kami ang mga karpintero
pakinggan po ninyo kami
kami ang mga guro
pakinggan po ninyo kami
kami ang mga kusinero
pakinggan po ninyo kami

kami ang mga manggagawang bumubuhay sa mundo
kami ang mga manggagawang pinapatay ng mundo

Wednesday, July 19, 2006

eksam ng buhay

maraming estudyanteng nag-eeksam
sa loob ng klasrum
maraming naghahangad
ng mataas na grade
kaya nag-aaral nang mabuti

sana . . .

sa tunay na buhay
sa tunay na eksam ng buhay
mataas din ang maabot nila

mataas . . .

subalit nakatungtong sa katotohanan
at
nag-iisip ng pangkalahatan

mahirap mag-aral

hirap na hirap ako
sa pagsagot sa mga eksam
ng mga gurong naturingan
subalit
pagpapahirap lamang ang alam
at
kung pumasok ay minsan lang

hirap na hirap ako
sa pagsagot sa mga tanong
na kung titingnan
ay walang kabuluhan
dahil
hindi lapat sa katotohanan

hirap na hirap ako
sa pagpapaliwanag
ng mga teoryang kanluraning
pilit na ginagamit
at inilalapat sa kultura natin

mahirap mag-aral
kung ang itinuturo
ay hindi totoo
at hindi atin