Wednesday, August 08, 2012

Ilang mungkahing solusyon sa problema ng bayan mula sa pananaw ni Glenn, isang tambay na tumitingin sa isang pangmatagalang solusyon.


hinggil sa transportasyon


isa sa bentahe ng Puerto Galera ang pagiging madali nitong puntahan subalit nagiging sagabal pa rin ito dahil sa uri ng sasakyan at taas ng halaga ng singil.

mahalaga ang transportasyon sa pagpapadaloy ng kalakalan. isa mungkahi ang pagbuhay muli roro sa ating bayan. mahalaga ito sapagkat alam nating hindi lang tao ang madadala nito kundi maging mga sasakyan. kung ang mga turistang darating sa atin ay mayroong sasakyan, mas maiikot nila ang buong bayan at mas malaking kita ang madadala nito sa kabuuan. (maaari kasi silang bumili ng kendi at tinapay sa maliliit na tindahan)

kung ayaw nang pumasok ng dati nang namuhunan sa roro, maaaring kausapin ng lokal na pamahalaan ang mga lokal na nagmamay-ari ng bangkang nagbibigay-serbisyo na sa kasalukuyan upang sila ang maghati-hati at mamuhunan. maaari ring tumulong ang ilan pang lokal na negosyante para pa rin sa puhunan at maging ang lokal na pamahalaan ay maaaring mamuhunan o maglaan ng pondo para rito na maaaring ipautang sa mga nagnanais ng ganitong negosyo. kaugnay ng mungkahing ito ang dahan-dahang pagbawas sa mga bangka at paglagay sa kanila sa iisang pantalan. maaari ring palitan ang mga bangka ng fast craft subalit ang mungkahi, mga lokal din ang gagawa nito upang magkaroon ng trabaho ang mga kababayan natin at ariin nating tunay na atin.

kung nasa iisang pantalan ang mga pasahero, muli nitong bubuhayin ang mga drayber at konduktor na kusang pagpapababa sa pamasahe o maaaring utusang ibaba ang pamasahe sa tulong ng lokal na pamahalaan dahil magiging regular na ang kanilang kita. gayun din, magbibigay ito ng kita sa mga gasolinahan, maliliit na tindahan sa labas ng beach. dapat panatilihin ang mga traysikel sapagkat gawa ito ng mga lokal na latero na patuloy na nagbibigay kabuhayan sa kanila. maaari ring suportahan ng lokal na pamahalaan ang mga lokal na latero para makagawa ng ilang disensyong kikilalaning gawa sa Puerto Galera na makaaakit pa rin sa paglago ng turismo. maganda rin naman ang e-trike, subalit kung ito na ang gagamitin natin, tatanggalan nito ng ikinabubuhay ang maliliit nating kababayang gumagawa ng tricycle. ang mungkahi, magkaroon ng mamumuhunang dito gagawa ng e-trike sa puerto galera.


No comments: